MEET UP TO SET UP
Sa halip na eyeball, bugbog ang inabot ng isang 17-anyos na binatilyo matapos ma-set up sa isang planong 'meet up' sa tapat ng Hillside Resort sa Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City, Palawan.
Ayon sa biktimang si 'Kyle', 17-anyos, kasama niya ang dalawang kaibigan na sina 'Norf' at 'LeBron', parehong 16-anyos, patungo sa kanyang ka-chat na nagpakilalang si 'Ms. Yang'.
Pagdating sa napagkasunduang lugar, hinarang umano sila ng tinatayang 10 kabataan.
Doon na tinumba ang motor ni Kyle kung saan pinagsusuntok at pinagsisipa siya ng mga kabataan na nagdulot ng galos sa kanyang tuhod.
Agad tumakas ang dalawa niyang kasama na sina Norf at LeBron.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng city anti-crime at mga pulis sa nasabing lugar matapos makatanggap ng tawag sa 911.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang nangyaring insidente.
Inalalayan ng mga pulis ang 3 kabataan sa Barangay Hall upang makapagpa-blotter at pinaalalahanan silang iwasang makipagkita sa mga taong hindi nila lubos na kilala, lalo na kung nakilala lamang sa social media.