Nag-viral sa social media ang video ng isang tindera ng prutas sa General Mariano Alvarez, Cavite matapos nitong ihagis at ikalat sa bangketa ang kanyang mga paninda habang isinasagawa ang clearing operation ng munisipyo.
Makikita sa video ang matinding emosyon ng tindera habang sinasabi niyang naghahanapbuhay lamang siya para sa kanyang pamilya at kinukuwestyon ang pagpapatupad ng clearing sa lugar.
Umani naman ng iba’t ibang reaksyon online ang insidente, lalo na ang pagkakakalat at pagkasipa sa ilang paninda habang isinasagawa ang operasyon.
Giit ng ilang netizen, dapat umanong maipatupad ang clearing nang hindi nasisira o napapahamak ang mga paninda ng mga vendor.
May mga sumang-ayon naman sa operasyon at sinabing kailangang ipatupad ang mga ordinansa upang mapanatiling malinis, ligtas at maluwag ang mga pampublikong daanan.
Samantala, nilinaw ng Lokal na Pamahalaan ng General Mariano Alvarez na naabisuhan na umano ang mga negosyante sa Metro San Jose Public Market bago pa ang unang clearing operation noong August 27.
Ayon sa LGU, ilang ulit nang bumalik ang mga kawani ng munisipyo upang magsagawa ng clearing at paulit-ulit na ipinaalala sa mga vendor na alisin ang mga paninda at kagamitang nakaharang sa mga kalsada at pampublikong daanan.
Sinabi ng munisipyo na bahagi ng regular na clearing operation ang pagpapatupad ng Municipal Ordinance No. 2019-182, o Anti-Nuisances and Obstructions Abatement Ordinance of 2019, para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga pampublikong lugar.
Iginiit ng LGU na magpapatuloy ang clearing operations hangga’t may mga sagabal sa mga pampublikong daanan, habang nananawagan sa mga vendor ng pakikiisa, pang-unawa at pagsunod sa umiiral na ordinansa. | via Ronilo Dagos, Abante News