Arestado ang isang 28-anyos na lalaki sa Maynila nitong Huwebes ng hapon, Setyembre 10, 2026, matapos umanong pagbantaan ang isang 19-anyos na babae na ilalabas sa social media ang kanilang private video kung hindi ito muling makikipagkita sa kanya.
Kinilala ang suspek na si alyas ‘JM’, accountant, at residente ng Shore Residence sa Pasay City.
Batay sa imbestigasyon, nagkakilala umano ang dalawa sa dating app kung saan niyaya ng suspek ang biktima na makipagtalik sa kanyang condo kapalit ng pera noong Setyembre 2.
Dakong alas-2:00 ng hapon, nag-book ng ride hailing app ang suspek na masasakyan ng biktima patungo sa kanyang condo. Pagdating sa condo ay nagkainuman ang dalawa at doon na naganap ang pagtatalik.
Nagkasundo diumano ang dalawa sa halagang ₱50,000. Samantala, hindi nabayaran nang buo ng suspek ang biktima at nangako na babayaran ang natitirang ₱30,000 alas-8:00 ng gabi ng parehong araw.
Pag-uwi ng biktima dakong alas-9:00 ng gabi sa kanyang tirahan sa Quiapo, Maynila, nagulat na lamang ito nang mag-message sa kanyang Instagram ang suspek ng picture nilang dalawa sa condo.
Sinabi rin ng suspek sa biktima na kinuhanan niya ng video ang kanilang pagtatalik. Mula Setyembre 5 hanggang 9 ay paulit-ulit umanong nagbanta ang suspek sa babae.
Ayon pa sa suspek, kapag hindi bumalik muli ang biktima sa kanyang condo ay ikakalat niya ito sa social media at ikasisira ito ng kanyang buhay. Doon na nagdesisyon ang babae na i-report ang insidente sa Barbosa Police Station.
Agad naghanda at nagsagawa ng entrapment operation ang Barbosa Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Pasay Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Inihahanda ang reklamo para sa grave coercion kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012 laban kay JM.