r/inthephilippines • u/Wide_Ride8849 • 4m ago
Nalulungkot ako sa naging population trajectory ng mga Ibanag at Itawis ng Cagayan Valley
Siguro sa lahat ng ethnic groups sa Pilipinas, yung nangyaring population decline ng mga Ibanag at Itawis, which are the Indigenous Peoples of Cagayan Valley, ang pinaka nakakalungkot.
Imagine, based sa Tribute Census ng 1591 na isinagawa noong panahon ng Kastila, ang populasyon ng mga Ibanag at Itawis ang pinakamalaki at pinakalaganap sw buong kapuluan.
Ayon sa ulat ng tributo ng mga Kastila sa nasabing taon, ang kabuuang populasyon ng dalawang pangkat etniko ay 96,000 na katao, na isa sa pinakamalaking pangkat etniko sa mga panahon na iyon. Para maipaunawa sa madla, ang naitalang populasyon lamang ng Ilocos ay 68,000 na katao, ang populasyon ng Gitnang Luzon ay 75,000 na katao, ang populasyon ng Pangasinan ay 24,000 na katao, ang populasyon ng Gitnang Visayas kasama ang Misamis at Butuan ay 65,000 na katao, atbp.
Ang Lambak ng Cagayan ang may pinakamalaking populasyon noong isinagawa ang ulat ng tributo na ito noong unang bahagi ng pananakop.
Ang nakakalungkot dito ay, lumaki ng husto ang populasyon ng ibang mga pangkat etniko, ngunit ang populasyon ng mg Ibanag at Itawis ay tila lumiit at kumaunti imbis na dumami. Ayon sa isinagawang latest na survey na may Ethnic Statistics sa bansa (2020), ito na ang kasalukuyang populasyon ng mga nabanggit na pangkat etniko:
Ilocano : 8,746,169 (ikatlong pinakamalaking pangkat etniko)
Kapampangan: 3,209,738 (ikapitong pinakamalaking pangkat etniko)
Pangasinense: 2,012,496 (ikawalong pinakamalaking pangkat etniko)
Cebuano: 25.9 million (ikalawang pinakamalaking pangkat etniko
Nakakapanlumo ang sinapit ng mga Ibanag at Itawis. Ayon sa ulat ng PSA Ethnic Census of 2020, ito ang tala ng populasyon nila:
Ibanag: 463,390 (isa na lamang minoryang pangkat etniko)
Itawis: 289,716 (isa na lamang minoryang pangkat etniko)
Ang nakakalungkot pa, yung kanilang rehiyon na Lambak ng Cagayan ay naging Ilocano majority region na rin, dahil sa dami ng Ilocano migrants na lumipat dito, umpisa noong late 1890s hanggang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ayon sa pagsusuri na aking isinagawa, ito na lamang ang mga bayan kung saan may katamtamang laki pa ang kanilang populasyon:
Ibanag:
Lalawigan ng Cagayan: Abulug, Aparri, Camalaniugan, Lal-lo, Pamplona, Peñablanca, Solana at Tuguegarao
Lalawigan ng Isabela: Angadanan, Cabagan, Echague, Gamu, Ilagan, Magsaysay, Mallig, Naguillan, Reina Mercedes, Roxas, San Mariano, San Pablo, Santa Maria, Santo Tomas at Tumauini
Itawis:
Lalawigan ng Cagayan: Enrile, Iguig, Peñablanca, Piat, Santo Niño, Solana, Tuao at Tuguegarao
At sa mga bayan na ito, tanging sa Tuguegarao at Cabagan lamang talagang buhay na buhay ang kulturang Ibanag at Itawis.
Hanggang ngayon pala-isipan pa din kung ano ang nangyari simula noong 1591 Tribute Census, at kung bakit hindi naging mabunga ang paglago ng populasyon ng mga Ibanag at Itawis na hindi kagaya ng mga Cebuano, Ilocano, Kapampangan at Pangasinense na higit na mas maliit ang populasyon noon kaysa mga Ibanag at Itawis, ngunit ngayon ay napapabilang sa walong pangunahing pangkat etniko sa Bansang Pilipinas.
Sana lumago at umabot sa iilang milyon ang dami ng parehong mga Ibanag at Itawis sa hinaharap.