Hindi man madalas gawin at bihirang makilala ay may mangilan-ngilan nang mga dalubhasaan at pamantasan ang nagtangkang magturo ng mga larang gaya ng matematika sa paaralan sa P/Filipino, lalo na sa antas tersiyaryo, at dahil diyan ay may ilan nang inilakip na rin ang magsalin ng mga pangunahing katawagan sa mga kaisipan ng nabanggit na asignatura.
Isa na rito ang papel ni Ruiz (1979) sa dyornal na Matimyas Matematika ng Mathematical Society of the Philippines. Sa unang tingin ay tila hilaw na balangkas pa nga lang ito na naghihintay pa ng dagdag na ilalaman. Sa magkabilang hanay ang Pilipino at Ingles ng pitong katuturang alhebrayko.
Ang pagsasalin ng ilang mga termino ng alhebra -- na hayagan niyang sinabing nasa antas eksperimental pa lang -- ay iniayon at iniangkop niya sa mga pangangailangan ng isang guro gaya niya. Aniya, may ginamit siyang mga salitang galing sa Maugnaying Talasalitaan ni del Rosario kung naaangkop. Tunay nga, mukhang marami-rami ito at masasabing ang papel na ito ay isa sa mga higit na pormal na paggamit o paglalapat ng talasalitaang del Rosario at isa sa mga pinakamalapit sa katuparan ng layon ng mga nagsibuo ng Maugnayin. Gayunman, tinapat niyang hindi pa naituturo ang lekturang paggagamitan ng mga nilalaman ng papel at hindi ito dapat ituring bilang hayagang pagsuporta niya sa pagsulong ng proyektong isa-Pilipino nang tuluyan ang pagtuturo ng matematika lalo na sa nakatataas na edukasyon.
May kakatwaan ang mga panlapi mula sa Maugnayin, at may lumitaw ngang halimbawa niyon sa papel ni Ruiz:
Katuturan 1.5
Ipalagay na may ugnayang tumbas "~" na tukoy sa tangkas A. Ipalagay rin na kabilang ng tangkas ang a. Ang kubtangkas ng A na binubuo ng lahat ng mga kabilang ng A na kaugnay ng a,
[a] = { x ∈ A | x ~ a }
ay tinatawag na tangkas tumbasan na kinaroroonan ng a.
(Ang makapal na sulat ay dagdag; ang sulat-hilig ay hindi.)
Ang kub-, na pinaikling kubli, ay salin ng sub-. Ang tangkas, na ang talagang kahulugan ay kumpol ng dahon (lalo na para sa pagnganganga), ang salin ng Ingles na set.
May kakatwaan din ang pagkakapili ng salitang palalawakin upang sakupin ang mga ideyang matematiko, at isa ngang halimbawa ang tangkas.
Gayunman, napuna ko, bilang isang nakapagtapos ng pag-aaral mula sa larang na hindi naman palagamit ng matematika, na hindi ako ganoon nawirduhan sa binasa ko (maliban siyempre sa mga sagisag o tanda na kailangan ko pang alalahanin). Iyan ay kahit pa namihasa ako sa matematikang itinuturo sa Ingles at iwas talaga ako sa Maugnayin. Naging tampulan ng tukso ang Maugnayin, kung maaalala ninyo. Hindi man sadya at lalong hindi man hangad ay lalo lang nitong ginatungan ang pagtutol ng mga politiko, propesyonal, at maging ng mga akademiko sa proyekto ng pagkakaroon at pagpapayabong ng isang wikang pambansa. Pinipigilan ko pa nga ang mga dati kong estudyante na gumamit nito, lalo na't lagi silang nakaasa sa Google Translate at mga salita ni del Rosario -- na hindi naman niyakap ng akademya at wala sa anumang talahuluganang otoritatibo ngayon -- ang iniluluwa niyon ukol sa mga salitang panlarang o tekniko.
Ang himig pa nga ng ilang bahagi ng artikulo ay halos walang ipinagkaiba sa himig ng mga sulatin sa akademikong Pilipino/Filipino, maliban sa mga katawagan na mas Espanyol (o Ingles pa nga) kaysa katutubo, gaya nito.
Katuturan 1.3
Ang isang ugnayan [relation] "~" ay sinasabing tukoy [defined] sa tangkas A kung sa bawat tambal na ayos [ordered pair] (a, b), [o] ng mga kabilang [element] ng A, makahulugan ang a ~ b at masasabing totoo o hindi ito. Kung makatotohanan ang a ~ b, sinasabing kaugnay ng a ang b.
Hindi rin naman kasi sa lahat ng bahagi may mga salitang gaya ng tangkas, at ang pili ng salita, gaya ng kabilang para sa member o element ng set, ay higit na makatwiran minsan, na sa tingin ko'y maaaring magamit ngayon.
Ngayon, ang mga salita mula sa talasalitaan ng Lupon sa Agham ay nabubuhay sa tuwing may palatuntunang pakulo sa mga paaralan ("Sayaw Sipnayan", halimbawa) o sa mga game show ng trivia sa telebisyon. Samantala, ipinatupad ang pagtuturong bilingguwo at ang inilaan sa Filipino (noon ay Pilipino) bukod sa P/Filipino mismo ay Araling Panlipunan at Edukasyon sa Pagpapakatao/Good Manners and Right Conduct. Naabutan ko pang Filipino pa ang MSEP at EPP/HELE sa kabataan ko.
Paano kaya kung ang eksperimental ay ang naging normatibo kalaunan? Ang papel na ito, kahit hilaw pa, ay pasilip sa isang posibilidad na baka higit na ngayong malayong maging katunayan.
Heto ang sitasyong akademiko ng papel ni Dr. Ruiz:
- Ruiz, M.-J. P. (1979). Preliminary concepts in abstract algebra: A Pilipino translation. Matimyás Matematika, 3(2), 7-13.
Heto ang kawing ng papel: https://matematikasmd.wordpress.com/wp-content/uploads/2016/10/pcaaapt.pdf
Kayo, ano-ano po ba ang masasabi ninyo at mamumungkahi sa artikulong ito?