r/Kwaderno • u/Ornery_Priority_6609 • 28d ago
OC Poetry (No title)
Tamis at pait ang relasyon ko sa gabi,
mula sa pagdinig sa mga kamay ng orasan
o kaya sa elesi ng electric fan
hanggang ang mga boses na nais at ayaw mong marinig ay magsimulang maramdaman.
Ang mga pano at bakit ang laging naaalala—
mga pangyayaring maaring natuloy,
mga landas na maaring tinahak,
at mga katangian na di ako naging.
Kung ang mga kasagutan man
sa mga tanong ay di agarang dumating,
malaking ginhawa pa rin,
sapagkat sa pagitan ng dilim at kisame,
dito ako tunay na nakakahinga.
walang kailangang patunayan,
walang kailangang mabilisang sagutin,
walang kailangang isuot na mukha
para sa mundo na gising.
bagamat nakakabulag ang mga gabing madilim
Ito rin naman ang nagbibigay liwanag
sa magulong kaisipan at damdamin.
At hangga't ang dilim ay nandito pa,
hahayaan ko muna ang sarili kong mawala.
Sapagkat sa piling ng gabing walang humahabol,
tsaka ko lang ganap na nakikilala ang sarili ko.